Isang estudyante ang gumawa ng application o app na nagbibigay ng mungkahi kung kailan at anong oras magandang maglaba at magpatuyo ng sampay batay sa magiging lagay ng panahon.
Sinabi ni John Daeniele Satsatin, isang computer science major, nakuha niya ang ideya na gawin ang “Maglalaba Ba?” app dahil sa kaniyang lola na laging naglalaba at siya ang inuutusan na magpasok ng mga sampay kung biglang umulan.
Ayon sa kanya, nakakatamad ang magpasok at maglabas ng sinampay.
Dahil sa naturang karanasan, naisipan ni JD, isang software developer, na gawin ang naturang app para malaman kung kailan at hanggang anong oras magiging maganda ang panahon para maglaba at magsampay.
Sinabi niya na nailabas ang nasabing app nitong buwan ng Hulyo kung saan may mga pumasok na bagyo at nakaranas ng patuloy na mga pag-ulan dahil din sa Habagat.
Ginawa ring simple ni JD ang app na kailangan lang magtanong ang gagamit kung magiging maaraw ba o maulan ang panahon.
Kasama sa ibibigay na tips ng app kung anong oras magandang maglaba at mayroon itong mga drawing.
Sinagot din sa app kung anong partikular na oras dapat magsampay para matuyo ito at hindi magkaroon ng kulob na amoy.
Dahil ang kaniyang lola ang kaniyang inspirasyon, tiniyak ni JD na kayang gamitin ng sino man ang app kahit na hindi gaanong marunong sa teknolohiya.