TUGUEGARAO CITY- Nasa kritikal na kundisyon sa pagamutan sa isang pribadong ospital sa Tuguegarao City ang isang estudyante matapos na salpukin ng kanyang motorsiklo ang van sa Enrile,Cagayan.
Sinabi ni Police Maj. Norvil Layugan, hepe ng PNP Enrile, hanggang ngayon ay hindi pa nagkakamalay si Remir Javier,estudyante ng Cagayan State University sa Piat dahil sa tinamong sugat sa kanyang ulo at sa kanyang katawan.
Ayon kay Layugan, sa kanilang imbestigasyon,papunta ng CSU ang estudyante at sa bahagi ng kalsada sa Maddarulog na may inaayos na daan ay nakasalubong niya ang isang van na minaneho ni Melvin Melencio ng Bulacan.
Sinabi ni Layugan na sa pahayag ng ng diver ng van, sinubukan niyanng iwasan ang motorsiklo subalit nagkaroon pa rin ng salpukan dahil sa hindi umano nakatingin sa harap ang estudyante kaya hindi napansin ang van.
Kaugnay nito, sinabi ni Layugan na pansamantala nilang ikonostodiya ang driver ng van subalit pinalaya din matapos ang reglamentary period.
Subalit nananatili sa kanilang tanggapan ang van at ang motorsiklo.