Nasawi ang isang 19-anyos na estudyante ng Cagayan State University Lallo at sugatan naman ang kasama nito na 20-anyos, matapos bumangga ang isang kulong-kulong sa sinasakyan nilang motorsiklo sa Gattaran, Cagayan kahapon ng umaga, Abril 24.
Ayon kay PCpl. Rowel Capili Jr., imbestigador ng kaso, lulan ng motorsiklo ang dalawang estudyante at patungo sana sa CSU Lallo nang umagaw ng linya ang kulong-kulong at direktang bumangga sa motorsiklo.
Napag-alamang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang dalawang lulan ng kulong-kulong sa oras ng insidente, at kapwa wala namang suot na helmet ang mga estudyante.
Ang nasawing biktima ay nagtamo ng fracture sa paa at agad na isinugod sa ospital, ngunit idineklara ring dead on arrival.
Ang kanyang kasama naman ay nagtamo ng sugat sa ulo at dinala sa Grupo Medico sa Camalaniugan para isailalim sa CT scan.
Sa panig ng kulong-kulong, nagtamo ng sugat sa ulo ang driver at isinugod rin sa ospital, habang ang sakay nito ay nagkaroon lamang ng mga gasgas.
Sa ngayon ay wala pang pormal na pag-uusap sa pagitan ng dalawang panig, ngunit nakausap na umano ng mga awtoridad ang ama ng nasawing estudyante na nagpahayag ng intensyong magsampa ng kaso laban sa driver ng kulong-kulong.
Nagpaabot naman ng mensahe si PCpl. Capili sa lahat ng motorista at biyahero na iwasan ang pagmamaneho habang nakainom at ugaliing magsuot ng mga protective gear gaya ng helmet dahil napakahalaga nito sa pag-iwas sa mas malalang pinsala o kamatayan.