Patay ang isang 21 anyos na estudyante matapos salpukin ng van habang tumatawid sa pedestrian lane sa harapang bahagi ng Cagayan State University sa bayan ng Sanchez Mira.
Ang biktima ay isang 2nd year college student sa kursong Agriculture sa CSU- Sanchez Mira campus na kasalukuyang nangungupahan sa Brgy. Namuac, Sanchez Mira at residente sa Fuga Island, Aparri.
Ayon kay PCORP Eric Gumabay, imbestigador ng PNP-Sanchez Mira, nasawi ang biktima nang makarating sa Far North Luzon General Hospital kung saan ito inilipat matapos unang dalhin sa Northern Cagayan District Hospital.
Nangyari ang aksidente sa Brgy Centro 2, bandang tanghali kung saan makikita sa kuha ng CCTV camera ang biktima na tumatawid sa pedestrian lane ng paaralan nang biglang salpukin ng van na minamaneho ng isang 29 anyos na babae na tubong Ilocos at nagnenegosyo sa bayan ng Sta Praxedes.
Dahil sa mabilis na pagpapatakbo ay naunang bumangga bago nakapagpreno ang driver ng van kung saan tumama ang katawan ng biktima sa bumper ng sasakyan habang ang ulo ay tumama naman sa semento.
Nabatid na katatapos ng klase ng biktima at posibleng pauwi na ito sa kanyang boarding house nang mangyari ang aksidente habang ang suspek ay bumili ng panindang walis-tambo sa Pamplona at pauwi na rin sa Sta. Praxedes kung saan hiniram pa umano niya ang naturang sasakyan.
Sa ngayon ay kinasuhan na ang suspek ng reckless imprudence resulting in homicide.