Muling pinatunayan ng pambato ng Pilipinas na si Eumir Marcial ang kaniyang lakas at husay sa mundo ng propesyonal na boksing matapos talunin ang Amerikanong si Bernard Joseph sa pamamagitan ng technical knockout (TKO) nitong Sabado sa MGM Grand Garden Arena.

Bago magsimula ang laban, marami ang nag-aabang kung mapapanatili ni Marcial ang kanyang malinis na rekord, kasabay ng kanyang pagtuntong sa mas matinding hamon sa catchweight division. Sa ikalawang round pa lamang, pinabagsak ni Marcial si Joseph gamit ang isang malakas na right hook.

Hindi pa nakabawi si Joseph nang ulanin siya ng mga kaliwang suntok sa ikatlong round, dahilan upang ipatigil ng referee ang laban.

Ito ang ika-anim na sunod na panalo ni Marcial sa kanyang professional career, kung saan apat ay natapos sa knockout.

Si Joseph, na may dating rekord na 11 panalo, 1 talo, at 1 draw, ay hindi nakaporma sa mabibilis at matitinding galaw ng Filipino boxer.

-- ADVERTISEMENT --

Kilala si Marcial sa kanyang tagumpay sa amateur boxing, kabilang na ang pagkakapanalo ng bronze medal sa Tokyo Olympics 2021 at ang kanyang muling paglahok sa Paris Olympics noong 2024.

Sa bawat laban, bitbit niya ang pangarap ng milyon-milyong Pilipino na makakita ng isang world champion mula sa kanilang hanay.

Ang tagumpay na ito ay nagbibigay ng bagong sigla sa kampanya ni Marcial na maging isa sa mga tinitingalang pangalan sa boxing world.

Patuloy siyang itinuturing na inspirasyon sa mga kabataang atleta sa Pilipinas na nangangarap ng international recognition.

Ang laban ni Marcial ay bahagi ng preliminary fights sa sagupaang Manny Pacquiao at Mario Barrios.