
Nagpataw ng sanctions ang European Union sa siyam na indibidwal na umano’y may kinalaman sa Bucha massacre noong 2022 sa Ukraine, gayundin sa apat pang sangkot umano sa foreign information manipulation at interference ng Russia.
Ayon sa pahayag ng Council of the European Union, kabilang sa mga pinatawan ng parusa si Colonel General Aleksandr Chayko, na tinukoy bilang pinakamataas na opisyal ng militar ng Russia na nasa Ukraine sa simula ng full-scale invasion noong 2022.
Sinabi ng EU na si Chayko ang nangungunang commander nang pumasok ang mga tropang Russian sa Bucha, isang bayan malapit sa kabisera ng Ukraine na Kyiv.
Ayon naman sa pamahalaan ng Ukraine, mahigit 1,400 katao ang nasawi sa Bucha sa loob ng 33 araw na pananakop ng mga puwersa ng Russia sa unang bahagi ng malawakang pagsalakay ng Moscow sa bansa noong 2022.
Bukod dito, nagpataw din ng sanctions ang EU sa ilang umano’y propagandista ng Kremlin, kabilang ang Franco-Russian na si Adrien Bocquet.
Nauna nang sinabi ng French Foreign Minister na si Jean-Noel Barrot na si Bocquet ay itinuturing na pangunahing recruiter ng mga foreign fighters sa Ukraine at sangkot umano sa pagpapalaganap ng disinformation sa Europe at Africa, pati na sa pagluwalhati ng mga war crimes.






