
Pinawalang-sala ng korte sa Manila si dating Negros Oriental representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. at dalawang iba pa sa kasong murder na inihain noong 2019.
Sa 35 pahinang desisyon, sinabi ng Manila Regional Trial Court Branch 15 na sina Teves, Richard Cuadra, at Rolando Panili ay pinapawalang-sala sa kaso na isinampa laban sa kanila dahil sa kabiguan ng prosecution na maglatag ng prima facie case.
Tinanggap ng korte ang demurrer to evidence na inihain ng tatlong akusado.
Kasunod nito, inatasan ang jail warden ng Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa na palayain si Teves, maliban lang kung may iba pa siyang kinakaharap na kaso.
Iniutos din ang pagpapalaya kina Cuadra at Pinili na nakakulong sa Manila City Jail-Male Dormitory.
Bukod sa nasabing kaso, nahaharap si Teves sa kasong murder, attempted murder, at frustrated murder kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pa noong March 4, 2023 sa tahanan ni Degamo sa Pamplona, Negros Oriental.
Noong September 2025, inirekomenda ng Manila Regional Trial Court Branch 12 ang piyansa na P120,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Tevez sa isa pang kasong murder.
Ito ay sa pagpatay kay Lester Bato, ang bodyguard ng Basay mayoralty candidate na si Cliff Cordova noong May 2019.
Noong June 25, sinabi ng National Bureau of Investigation na nahaharap din si Teves sa mga kasong murder sa Bayawan RTC Branch 63, illegal possession of firearms at illegal possession of explosives sa Manila RTC Branch 12; at terrorist Financing, prevention, and suppression act sa Quezon City RTC Branch 77.
Nakakulong ngayon si Teves sa NBI facility sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Teves, na ang aquittal ng kaniyang kliyente ay patunay na ang mga kaso na isinampa laban sa kanya ay pawang political harrassment.





