
Nasa matatag na kondisyon na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, ayon sa Philippine National Police (PNP), ngunit hinihintay pa ang resulta ng ilang pagsusuri bago siya ilipat mula sa Medical City patungo sa PNP General Hospital (PNPGH).
Sinabi ni PNPGH chief Police Colonel Cleto Manongas na sumasailalim pa si Bonoan sa mga pagsusuri kabilang ang 2D echocardiogram at angiogram upang matukoy ang kanyang kalagayan at ang susunod na hakbang sa paggamot.
Ayon kay Manongas, unang isinailalim sa pagsusuri si Bonoan dahil sa altapresyon, ngunit may iba pang natuklasang kondisyong medikal na nangangailangan ng karagdagang pagsusuri.
Nananatiling normal ang blood pressure ni Bonoan na naitala sa 120/70. Nakahanda na rin umano ang silid, kagamitan at mga medical personnel ng PNPGH sakaling payagan siyang ilipat doon.
Si Bonoan ay humarap sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Hunyo 1 matapos maglabas ng warrant of arrest ang korte kaugnay ng kasong plunder at graft na may kinalaman sa umano’y P573-milyong anomalya.
Noong Biyernes, pinayagan ng Fifth Division ng Sandiganbayan ang kanyang kahilingan na manatili sa ilalim ng hospital arrest sa PNPGH.




