Opisyal nang itinalaga bilang state witnesses sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara kaugnay ng imbestigasyon ng pamahalaan sa umano’y anomalya sa mga flood control projects, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes.

Kinumpirma ni Justice Acting Secretary Fredderick Vida na kabuuang apat na indibidwal ang tinanggap sa Witness Protection Program (WPP) ng DOJ kaugnay ng kontrobersiya.

Bukod kina Bernardo at Alcantara, kabilang din sa mga state witness sina DPWH Engineer Gerard Opulencia at contractor Sally Santos, may-ari at manager ng SYMS Construction Trading.

Nilinaw niya na ang pagbasura ng kaso ay para lamang sa mga kasong may kinalaman sa impormasyong ibinibigay nila sa estado, at hindi awtomatikong saklaw ang iba pang posibleng kaso.

Ayon sa DOJ, alinsunod ito sa Rules of Criminal Procedure, kung saan maaaring hilingin ng prosekusyon sa korte ang pag-discharge ng isang akusado upang magsilbi bilang testigo ng estado, basta’t may pahintulot at sapat na ebidensiya.

-- ADVERTISEMENT --

Dati nang nasa ilalim ng “provisional acceptance” sa WPP sina Bernardo at Alcantara bilang mga protected witness. Kasama rin noon sa provisional list sina DPWH engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, ngunit sinabi ng DOJ na hindi na nakikitang kailangan ang kanilang admission bilang state witnesses.

Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, base sa pagsusuri ng DOJ sa mga isinumiteng ebidensiya, hindi sila kuwalipikado upang ma-discharge bilang state witnesses sa ngayon.

Samantala, iniulat ng DOJ na ang apat na state witnesses ay nakapagbalik na ng mahigit P316 milyon sa kaban ng bayan bilang restitution, at inaasahang aabot sa P1.5 bilyon ang kabuuang halagang mare-recover.

Sinabi ni Fadullon na si Bernardo ay nakapagbalik na ng paunang P35 milyon sa gobyerno noong Enero 13 bilang bahagi ng kanyang restitution. Ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty, ang halaga ay nasa anyo ng manager’s check at galing sa downpayment ng isang ari-ariang ibinenta ni Bernardo.

Target umano na makumpleto ang pagbebenta ng naturang ari-arian bago matapos ang Enero, upang maibigay ang natitirang halaga na aabot sa P1 bilyon, alinsunod sa memorandum of agreement (MOA) nito sa DOJ.