
Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakabalik na sa Pilipinas ang dating Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan nitong Linggo, Enero 18, 2026.
Sa pahayag ng BI, dumating si Bonoan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang umaga sakay ng isang China Airlines flight mula Taipei. Ayon sa ahensya, mag-isa umanong bumiyahe pauwi ang dating opisyal at walang kasamang travel companion.
Sinabi naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na agad nilang ipinaalam ang pagdating ni Bonoan kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida, alinsunod sa umiiral na mga patakaran at proseso.
Matatandaang inilagay si Bonoan sa Lookout Bulletin Order (LBO) ng BI kasunod ng direktiba ng Department of Justice (DOJ) upang subaybayan ang kanyang mga biyahe kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects. Gayunman, nilinaw ng BI na ang LBO ay hindi nagbabawal sa isang indibidwal na umalis o pumasok ng bansa.
Nauna nang umalis si Bonoan patungong Estados Unidos noong Nobyembre 2025. Ayon sa DOJ, sinamahan niya ang kanyang asawa na sumailalim sa isang medikal na pamamaraan. Hindi rin umano siya nakabalik noong Disyembre 17, 2025 dahil sa patuloy na isyu sa kalusugan ng kanyang asawa.
Samantala, inirekomenda na ng Independent Commission for Infrastructure ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kay Bonoan at iba pang dating opisyal ng DPWH kaugnay ng isang ₱95-milyong flood control project sa Bocaue, Bulacan.










