Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na itutuon sa hindi naresolbang issues kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

Tinukoy ni Lacson ang nabiling house and lot ni Bonoan sa 30 Tamarind Road sa South Forbes sa Makati noong 2023 kung saan sangkot ang contractor na si Pacifico Curlee Discaya.

Sinabi ni Lacson na marami pang dapat na ipaliwanag si Bonoan, kabilang ang “pattern” ng maling grid coordinates para sa flood control projects sa report na kanyang isinumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ipinunto ni Lacson na sa huling pagdinig, ipinakita nina DPWH Undersecretaries Arthur Bisnar and Ricardo Bernabe III ang malinaw na pattern sa pagsusumite ng maling grid coordinates.

Sinabi niya na maaari sana itong ikonsidera na resulta ng kapabayaan kung ilan lamang sa kabuuan ng bilang ng flood control projects ang may maling grid coordinates.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit batay sa mga dokumento, mahigit 86 percent ng mga proyekto ang may maling grid coordinates, na masasabing sinadya ang mga ito.

Nagbabala si Lacson na maaaring i-cite in contempt si Bonoan kung iiwas siya sa pagpapaliwanag sa mga nasabing usapin.

Idinagdag pa ni Lacson na iimbitahan din sa susunod na pagdinig si Representative Martin Romualdez o kinatawan mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), para magbigay linaw sa pagbili ni Bonoan ng house and lot sa South Forbes sa Makati noong 2023.

Sinabi ni Lacson, batay sa records, ang bumili ng bahay ay ang Golden Pheasant Holdings Corp., kung saan ang major stockholder ay si Jose Raulito Paras.

Si Paras ay humawak matataas na posisyon sa nasa tatlong kumpanya na inuugnay kay Romualdez.

Sinabi ni Lacson na iimbitahan din si Paras, para pagpaliwanagin ang kanyang kakayanan na bumili ng bahay, na sinasabing nagkakahalaga ng P1 billion.