
Itinalaga si dating House Secretary General Mark Llandro “Dong” Mendoza bilang bagong Secretary of the Senate.
Inaprubahan ang pagkakahirang kay Mendoza sa Senate plenary session nitong Lunes matapos ihain ang mosyon ng Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, na agad namang pinagtibay sa pamamagitan ng viva voce nang walang pagtutol.
Itinuturing na makasaysayan ang appointment ni Mendoza dahil siya ang unang dating House secretary-general na naging kalihim ng Senado.
Si Mendoza ay dating kinatawan ng Batangas at nagsilbing Secretary General ng House of Representatives mula 2020 hanggang 2022.
Pagkatapos nito, naging presidential adviser on legislative affairs siya mula 2022 hanggang 2025.
Bilang Senate secretary, pamumunuan ni Mendoza ang administratibo at lehislatibong operasyon ng Senado, kabilang ang pangangasiwa sa kapakanan ng mga empleyado ng institusyon.
Pinalitan niya si Renato Bantug, na kamakailan ay nagretiro sa serbisyo publiko.
Samantala, muling itinalaga ng Senado si retired Major General Edgardo Rene Samonte bilang Senate sergeant-at-arms, isang posisyong hinawakan na rin niya noong 18th Congress.
Bago ito, siya ay naging opisyal ng Philippine Air Force.










