Pinagkalooban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pardon si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog, na isinangkot sa drug trade ng Duterte administration.

Kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang ulat na pinagkalooban ni Marcos si Mabilog ng executive clemency-presidential pardon.

Matatandaan na inakusahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Mabilog na sangkot sa illegal drug trade.

Dahil sa takot sa kanyang buhay, umalis ng bansa si Mabilog noong August 2017 para dumalo sa isang conference sa Japan subalit hindi na siya bumalik kasama ang kanyang pamilya.

Bumalik lamang si Mabilog sa bansa noong September 10, 2024, sa ilalim ng bagong administrasyon, para linisin ang kanyang pangalan dahil kasama ang kanyang pangalan sa drug watchlist ng Duterte administration, bagamat walang naisampa na kaso laban sa kanya tungkol sa illegal drugs.

-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap si Mabilog sa kasong graft sa Office of the Ombudsman dahil sa alegasyon ng pakikialam sa awarding ng government contract sa isang towing services firm kung saan siya at si dating Iloilo City Councilor Plaridel Nava II ay sinasabing mayroong sariling interest.

Ang dalawang opisyal ng Iloilo ay pumirma umano sa memorandum of agreement sa 3L Towing Services noong 2015, kung saan pinahintulutan ang kumpanya na manghila ng mga sasakyan na iligal na nakaparada sa lungsod na hindi dumaan sa competitive processes na kailangan sa ilalim ng Republic Act 6957 o ang ” “An Act Authorizing the Financing, Construction, Operation and Maintenance of Infrastructure Projects by the Private Sector and for Other Purposes.”