Nanawagan ng tulong upang muling mapawalang sala ang isang dating Person Deprived of Liberty (PDL) sa New Bilibid Prisons (NBP) na sumuko sa Solana Police Station.

Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Tacio Acorda, 57-anyos na sumuko siya upang ipakita na nararapat siya sa ibinigay na parole sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance law nitong May 28, 2019.

Nakulong si Acorda sa loob ng 29 taon sa NBP at napaaga ng isang taon ang paglaya na nasintensiyahan ng habambuhay na pagkakulong dahil sa kasong robbery with rape noong 1990.

Nabatid na tatlo sa kanyang kasamahan ang namatay na sa bilangguan at tatlong iba pa ang napalaya rin sa ilalim ng GCTA habang nananatili sa kulungan ang isa.

Dagdag pa ni Acorda na kung maaari ay ayaw na niyang bumalik sa kulungan kung saan siya ang inaasahan ng kanyang mga magulang upang mag-alaga matapos siyang iwanan ng kanyang asawa habang may sariling pamilya na rin ang kanyang mga anak.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit niya na nadamay lamang siya sa kontrobersiya ngunit umaasa na muli siyang mapapawalang sala.

Si Acorda ay isa lamang sa 17 sumuko sa Cagayan province, matapos ang 15-day deadline na ibinigay ni Pangulong Duterte sa mga aniyay “premature” na napalaya sa ilalim ng GCTA.

—with reports from Bombo Badeth Heralde