Hindi nakaligtas sa mahabang kamay ng batas ang isang dating police intelligence officer matapos magtago ng halos dalawang dekada sa kasong murder at iba pang kaso.

Sinabi ni Police Col. Jean dela Torre, Makati City Police chief, tinanggap ng akusado ang kanyang kapalaran matapos na maaresto siya ng mga pulis matapos na sampahan siya ng kasong murder noong 2006.

Ayon kay Dela Torre, nagtugma ang fingerprint niya noong siya si Arnel Bagise na gumagamit ngayon ng pangalang Niko Garcia.

Sinabi niya na kumbinsido siya na magkaparehong tao ang dalawang pangalan base sa lumang mga larawan ng akusado , at hindi naman siya nagpa-retoke.

Ayon kay Dela Torre, nahirapan sila sa paghahanap sa akusado matapos na palitan niya ang kanyang pagkakakilanlan.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa niya na kumuha pa ang akusado ng late birth certificate registration.

Nahaharap din ang akusado sa kasong robbery at direct bribery sa Manila at kidnap for ransom sa ibang rehion.

Subalit nagawa niyang makalabas ng bansa sa kabila ng kanyang mga kaso.

Sinabi ni Dela Torre na inamin ng akusado na palipat-lipat siya ng lugar upang takasan ang batas.

Inamin din ng akusado na dati siyang pulis sa loob ng 14 na taon bago siya nagtago.

Sinabi pa ng akusado na “trabaho lang” kaya niya nagawa ang mga nasabing krimen.