Naniniwala si dating Mayor Robert Turingan ng bayan ng Enrile, Cagayan na mga miyembro ng malaking sindikato ang nahuli ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) na tatlong katao na nangikil sa kanya kapalit ng tiyak na panalo umano niya sa halalan sa Mayo.

Sinabi ni Turingan na hindi na bago ang paglapit sa kanya ng mga nagpakilalang IT experts umano ng Commission on Election na nag-alok sa kanya ng tiyak na panalo sa eleksion kapalit ng malaking halaga.

Ayon kay Turingan, una siyang hiningan ng malaking halaga ng mga nagpakilalang IT experts ng Comelec noong 2019 elections kapalit ng kanyang panalo, at sumunod ay ibang grupo naman noong 2022 na kanyang tinaggihan.

Sinabi niya na kamakailan lamang ay nilapitan na naman siya ng ibang grupo, kung saan ay nakapagbigay siya ng kabuuang P2 million sa tatlong transaksion mula sa P90 million na hinihingi umano sa kanya.

Dahil sa nagdududa na siya, nakipag-ugnayan siya sa Comelec kung saan ay idinulog nila ito sa CIDG at plinano ang entrapment operation upang mawakasan na ang kanilang iligal na operasyon sa kabila na natatakot siya sa seguridad ng kanyang pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, dinala rin siya ng grupo sa kanilang opisina sa Pasay City.

Samantala, inamin naman ni Mayor Miguel Decena na may mga lumapit na rin sa kanya para sa alok na tiyak na panalo sa halalan kapalit ng malaking halaga sa mga nakalipas na halalan.

Subalit, binigyang diin niya na hindi niya pinatulan ang mga ito at iginiit na hindi siya nagbayad ng malaki para manalo sa halalan.

Una na ring itinanggi ng Comelec Region 2 na konektado sa komisyon ang mga nasabing indibidual.