Itinuro ng isang pulis sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma at National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo na umano’y ‘nag-utos’ ng pagpatay sa lotto official noong 2020.

Sa kaniyang testimonya sa pagdinig ng Quad Comm, isiniwalat ni P/Lt. Col Santie Mendoza ng PNP Drug Enforcement Group na inutusan umano siya ni Leonardo na isagawa ang pagpatay kay P/Brig. Gen. Wesley Barayuga, dating PCSO Board Secretary.

Si Barayuga ay ­inambus at napatay ng nag-iisang gunman sa panulukan ng Calba­yog at Malinao Streets sa Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City noong Hulyo 2020 kung saan ang kill plot ay nagsimula pa noong Oktubre 2019 matapos siyang tawagan ni Leonardo.

Ayon kay Mendoza, sinabi sa kaniya ni ­Leo­nardo na si Garma ang may utos na patayin si Barayuga na umano’y sangkot sa illegal na droga.

Pansamantalang naantala ang kill plot dahil may COVID-19 pandemic at nagpatuloy muli ito noong Hunyo 2020 kung saan kinontak ni Mendoza si Nelson Mariano, informer ng PNP, para humanap ng gunman na kinilala naman sa alyas Loloy.

-- ADVERTISEMENT --

Sinasabing si Garma pa ang nagbigay ng larawan ni Barayuga na nakunan sa pagpupulong ng PCSO para ibigay sa hitman sa pagtukoy sa target.

Matapos anya ang assassination kay Barayuga ay binayaran sila ni Garma ng P300,000 kung saan napunta ang P40,000 kay Mendoza at P60,000 kay Mariano habang ang P20,000 ay napunta sa hitman.