Isinampa na sa Department of Justice ang reklamong murder at frustrated murder laban kina dating police colonel Royina Garma at National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo kaugnay sa pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga noong 2020.

Nagtungo sa Department of Justice (DOJ) ang mga kinatawan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-OTCD) para isampa ang reklamo.

Maliban kay Garma at Leonardo, kabilang din sa nasampahan sina PSMS. Jeremy Causapin, PLTCOL. Santie Mendoza, dismissed police officer Nelson Mariano, isang alias “Loloy,” at iba pang John Doe.

Kung matatandaan ay tumestigo si Mendoza at Mariano sa pagdinig ng House Quad Committee noong nakaraang taon at umamin sa kanila umanong pagiging kasangkapan sa krimen.

Inirekomenda rin ng PNP-CIDG at NBI-OTCD na gawing state witnesses sina Mendoza at Mariano dahil sa kanilang naging pag-amin.

-- ADVERTISEMENT --