Hindi gusto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makialam ang kanyang dating tagapagsalita na si Atty. Harry Roque sa kasong kinakaharap niya sa International Criminal Court (ICC), ayon sa kanyang legal counsel na si Nicholas Kaufman.

Batay sa ulat, sinabi ni Kaufman na itinuturing umanong “fugitive from justice” si Roque sa Pilipinas at nangangamba si Duterte na baka makaapekto ito sa kanyang depensa sa ICC.

Dagdag pa ni Kaufman, wala rin daw mandato si Roque na kumuha ng lokal na Dutch lawyer upang magsampa ng kaso laban sa pamahalaan ng Netherlands kaugnay sa diumano’y paglahok nito sa pagkakadala ni Duterte sa ICC.

Tinawag pa ni Kaufman na “kabaliwan” ang naturang hakbang ni Roque, ngunit agad naman itong naiwasto matapos niyang kontakin ang nasabing abogado sa Netherlands.

Ayon pa kay Kaufman, ang pagsasampa ng kaso sa Netherlands laban sa mismong gobyerno nito ay isang malaking pagkakamali.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, mariing itinanggi ni Roque na siya ay nakialam sa kaso ng dating pangulo.

Sa isang Facebook post, sinabi niyang patuloy ang kanyang suporta sa Duterte Legal Defense at wala siyang ginawang hakbang na makasisira sa estratehiyang legal ng depensa sa ICC.

Bilang “loyal foot soldier” umano ng mga Duterte, layunin lamang daw niya na makabalik si Duterte sa Pilipinas nang buhay.

Ani Roque, hindi niya kasalanan kung siya man ay magmungkahi ng mga legal na remedyo sa labas ng ICC — basta’t ito’y aprubado nina dating Pangulo at ng kanyang pamilya.