
Hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) na hindi na siya personal na haharap sa paglalabas ng desisyon sa kanyang apela hinggil sa hurisdiksyon ng korte sa kanyang kinakaharap na kasong crimes against humanity.
Sa liham na may petsang Abril 10, sinabi ni Duterte na ipinauubaya na lamang niya sa kanyang mga abogado ang pagdalo sa Abril 22 kung kailan ilalabas ang desisyon.
Hindi siya nagbigay ng dahilan sa naturang kahilingan.
Isa sa mga pangunahing isyu sa apela ang pagtutol ng kampo ni Duterte sa hurisdiksyon ng ICC, kabilang na rin ang mga naunang desisyon ukol sa kanyang interim release at kalagayang pangkalusugan.
Layunin ng apela na baligtarin ang naging desisyon ng Pre-Trial Chamber I noong Oktubre na nagpatuloy sa pag-usad ng kaso laban sa kanya.
Ayon sa mga legal na pananaw, kung papabor ang Appeals Chamber kay Duterte, maaaring ibasura ang kasong tatlong bilang ng pagpatay at ihinto ang imbestigasyon kaugnay ng drug war.
Kung hindi naman, magpapatuloy ang proseso ng kaso laban sa kanya.
Nauna nang tumanggi si Duterte na humarap sa mga pagdinig ng ICC, at iginiit na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon nito.
Sa isa ring liham, sinabi niyang siya ay matanda na, pagod, at mahina na, at tinatanggap na ang posibilidad na doon na siya mamatay habang nasa detention sa The Hague, Netherlands.










