Ibinahagi ni dating pangulo at Second District Representative Gloria Macapagal-Arroyo ang pinagdadaanan ng kanyang pamilya.

Sa Facebook post kagabi, isiniwalat ni Arroyo, bumalik ang heart condition ng kanyang asawa na si Mike, at ang kanyang anak na si Mikey ay nakitaan ng thyroid cancer.

Sinabi ni Arroyo, ang dissecting aortic anuerism ng kanyang asawa na kinailangan ng emergency repair noong 2007 ay bumabalik, at kailangan na sumailalim siya sa isang malaking surgery, ang bypass at aortoplasty sa April 7 upang maiwasan ang isa pang emergency.

Aalis ang dating pangulo papuntang Singapore para sa surgery ng kanyang asawa.

Idinagdag pa ni Arroyo, nakita sa biopsy ng kanyang anak na si Mikey na mayroon siyang Stage One cancer sa kanyang thyroid gland, at sumailalim siya sa surgery nitong March 18, na naging matagumpay naman.

-- ADVERTISEMENT --

Tulad ng kanyang asawa, si Arroyo ay nakakaranas din ng heart condition.

Noong 2012, ipinasok siya sa intensive care dahil sa coronary ischemia, o walang dumadaloy na dugo sa kanyang puso, habang siya ay nasa hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center.