Humarap si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng Senado kaugnay sa war on drugs ngayong umaga.
Sa kanyang opening statement, hiniling niya sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na tratuhin siya bilang witness.
Kasunod nito, binigyang-diin ni Duterte na ang war on drugs ay para protektahan ang mamamayang Filipino at ang bansa mula sa epekto ng illegal drugs.
Ayon sa kanya, hindi tama na kinukuwestion ang kanyang mga naging polisiya, dahil ginawa lamang niya ang nararapat para sa ating bansa.
Nilinaw niya na ang kampanya ay hindi layunin na pumatay ng mga drug suspects, sa halip ay para protektahan ang mga inosente at hindi kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Iginiit niya na layunin din nito na mawala ang mga iligal na droga sa bansa, tulad ng shabu, cocaine, heroine, party drugs at iba, na nakakaapekto sa mga pamilya at sa kapayapaan ng komunidad.
Binigyang-diin pa ni Duterte na galit siya sa droga, kaya sinimulan ang ang kampanya noong siya pa lamang ang mayor ng Davao City at ipinagpatuloy noong siya ay President ng bansa.
Ayon sa kanya, ito ang kanyang covenant sa mga mamamayan ng bansa na naniwala sa kanya.
Subalit, sinabi niya na hindi niya ipinag-utos sa mga pulis na abushin ang kanilang kapangyarihan at otoridad sa kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon sa kanya, ang kanyang utos, gamitin ito bilang self defense.
Sa katunayan, sinabi ni Duterte, ang kanyang turo noong siya pa ay piskal at professor sa Police Academy sa Davao City sa mga pulis na kung ang isang suspect ay ayaw sumuko, at sa tingin nito ay banta mula sa inaaresto at barilin ang suspect sa ulo.
Gayonman, sinabi ni Duterte na nakakalungkot dahil sa bumabalik na naman ang iligal na droga samga komunidad, kung saan binanggit niya na may mga ginagahasa, pinapatay, ninanakawan, at kamakailan lang ay may sinalakay umano na drug den sa Malacañang complex.
Iginiit ni Duterte na sisirain ng illegal drugs ang buhay ng mga Filipino at maging ang ating bansa, at hindi umano niya ito papayagan na mangyari.
Ayon sa kanya, kahit siya ay isang pribadong mamamayan, gagawin niya kung ano ang kinakailangan laban sa droga.
Sinabi niya na siya na lang ang panagutin at ikulong para sa lahat ng nagawa ng mga pulis sa war on drugs.