Naghain ng tatlong bilang ng crimes against humanity ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kaugnay ng umano’y malawakang pagpatay at tangkang pagpatay na may kaugnayan sa kampanya kontra droga at mga naunang operasyon sa Davao City.

Batay sa mga dokumento na may petsang Setyembre 22, 2025, inilahad ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang ang mga paratang.

Kabilang dito ang:

1.Murder bilang crime against humanity sa Davao City noong siya ay alkalde sa pagitan ng 2013 hanggang 2016 na may 19 biktima sa siyam na insidente;

2.Murder bilang crime against humanity laban sa “high value targets” sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas noong siya ay pangulo mula 2016 hanggang 2017 na may 14 biktima sa limang insidente; at

-- ADVERTISEMENT --
  1. Murder at attempted murder bilang crimes against humanity sa barangay clearance operations sa iba’t-ibang lugar sa bansa noong siya ay pangulo mula 2016 hanggang 2018 na may kabuuang 45 biktima mula sa 35 insidente.

Makikita sa dokumento na si Duterte ang nasa likod umano ng nasabing mga kaso dahil sa paglalaan ng pondo, paglalagay ng mga tao para maisakatuparan nito ang “war on drugs.”

Kasabay din ito ay inilabas ng prosecution ang “Pre-Confirmation Brief” na nagbibigay ng mga detalyadong paliwanag ng prosecutions sa mga ebidensya at argumento na nagsusuporta sa mga kaso laban kay Duterte.

Magugunitang itinakda noong Setyembre 23 ang confirmation of charges hearing ng dating pangulo subalit ipinagpaliban ito ng depensa dahil sa nagkakaroon ng isyu sa kaniyang kalusugan, kung saan hindi niya maalala ang mga pangyayari at nagiging ulyanin na ito.

Nasa kamay ngayon ng ICC Pre-Trial Chamber ang pagbusisi sa mga kasong isinampa upang matukoy kung uusad ito tungo sa isang ganap na paglilitis.