
Naghain ng motion for opposition si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng pagdaragdag ng mga bagong respondents sa reklamong plunder na kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ).
Sa preliminary investigation, kinuwestyon ng kampo ni Revilla ang hakbang ng National Bureau of Investigation (NBI) na magpasok ng apat na bagong pangalan sa kaso. Ayon kay Atty. Francesca Señga, hindi malinaw ang batayan ng pagdaragdag ng mga ito.
Kabilang sa mga nadagdag na respondents ang ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH): sina Denryl Caesar Cortuna, Manny Bulusan, Ruel Umali, at Arturo Gonzales Jr.
Paliwanag naman ng DOJ, maaaring nakabatay sa mga bagong ebidensya o affidavits ang hakbang ng NBI. Gayunman, sinabi ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na kailangang mapatunayan na mga bagong tuklas na impormasyon ang naging basehan ng pagdagdag sa mga pangalan.
Sa naganap na pagdinig, humiling ng palugit ang mga bagong respondents upang makapaghain ng kanilang counter-affidavits.
Itinakda ang susunod na pagdinig sa Marso 13 para sa pagsusumite ng kanilang mga kontra-salaysay.










