
Mananatili sa isang 47-square-meter na selda na disenyo para sa 10 katao sa Payatas, Quezon City ang dating senador na si Bong Revilla Jr., ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ang pasilidad ay may toilet at banyo, ngunit ang mga divider ay hanggang dibdib lamang para sa seguridad.
Bago siya makasama sa iba pang persons deprived of liberty (PDLs), dadaan muna si Revilla sa medical quarantine na maaaring tumagal hanggang pitong araw.
Tiniyak ng BJMP na walang special treatment ang ibibigay sa dating aktor-politiko.
Tulad ng ibang PDLs, makatatanggap lamang si Revilla ng P100 allowance kada araw para sa kanyang pagkain.
Pinapayagan lamang ang dala ng pagkain ng bisita kung lutong pagkain ito at susuriin ng BJMP personnel.
Ipinagbabawal din sa mga PDL ang cellphone at iba pang electronic gadgets.
Susunod din siya sa nakatakdang visiting hours mula Martes hanggang Linggo.
Matapos ang booking procedure at pagkuha ng mugshot, binigyan si Revilla ng dilaw na BJMP t-shirt, tulad ng iba pang PDL sa pasilidad.
Kasama sa QC jail ang kanyang apat na co-accused sa kaso ng malversation kaugnay ng ghost flood control project sa Pandi, Bulacan na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Juanito Mendoza, dating mga engineer at opisyal ng DPWH Bulacan.










