TUGUEGARAO CITY- Hihilingin ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa Inter-Agency task force na maglabas ng executive order na magbabawal sa lahat ng mga social gatherings sa lungsod para maiwasan ang pagkalat ng covid-19.
Pahayag ito ng alkalde kasunod ng nangyaring local transmission sa Barangay Cataggaman Viejo kung saan tatlong miembro ng isang pamilya ang nagpositibo sa covid-19.
Ayon kay Soriano, malaki ang tyansa na magkahawaan lalo na kung galing sa ibang lugar ang mga bisita at carrier ng virus.
Aniya mas mainam na sa loob na lamang ng bahay at hindi na kailangang mag-imbita kung sakali na may selebrasyon sa pamilya para matiyak ang kaligtasan laban sa nakamamatay na sakit.
Ngunit, sinabi ni Soriano na hindi pagbabawalan ang mga aktibidad tulad ng blood letting activity dahil malaking tulong ito para matiyak na may sapat na supply ng dugo ang blood bank kasabay ng nararanasang krisis na dulot ng covid-19.
Samantala, isa si Mayor Soriano sa dumalo sa Dugong Bombo 2020 ng Bombo Radyo Tuguegarao katuwang ang Philippine Red cross at ang mga kabataan sa Libag Sur kaninang umaga, Agosto 19,2020 ngunit bigong makapagdonate dahil mababa ang kanyang Hemoglobin.
Nasa 33 indibiwal naman ang matagumpay na nakapagdonate ng dugo mula sa mahigit 40 nagparehistro kasama na ang ilang doctors at abogado.
Nakatanggap ang mga successful donors ng limang kilong bigas, tumbler, dugong bombo T-shirt at Certificate.