TUGUEGARAO CITY- Pirma na lang umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang sa executive order para sa pagbuo ng Zero Hunger Inter-agency Task Force
Ipinaliwanag ni Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles,chairman ng task force na layunin nito na mapuksa ang kagutuman hanggang 2030.
Ayon sa kanya, ang kanilang target ay kada dalawa at kalahating taon ay mapababa nila ng 25 percent ang hunger incidence sa bansa hanggang sa 2030.
Sinabi ni Nograles na ito ay upang makatugon ang bansa sa commitment sa Sustainable Development Goal na itinakda ng United Nations na dapat na mawala ang kagutuman sa bansa sa nabanggit na taon.
Sinabi ni Nograles na kung paniniwalaan ang hunger survey ng Social Weather Station, 2.4 million na pamilya sa bansa ang nakakaranas ng moderate to extreme hunger.
Sa ngayon, sinabi ni Nograles na abala na sila kasama ang iba’t ibang ahensiya a departamento ng gobyerno sa mga hakbang na dapat nilang gawin upang mapagtagumpayan ang nasabing hangarin.
Sinabi niya na ang task force ay ay bubuuin ng 36 na government agencies kung saan ang vice chairman dito ay ang secretary ng Department of Social Welfare and Development at Department of Agriculture na tututok sa food security.
Idinagdag pa ni Nograles na ang unang gagawin nila ay magsasagawa ng pag-aaral sa kung ano ang dahilan ng kagutuman sa natukoy nilang 31 isang probinsiya na may mataas umano na bilang ng pamilyang nagugutom.
Sinabi niya na sa pamamagitan nito ay malalaman nila kung anong mga programa at mga proyekto ang dapat na gagawin sa isang lugar upang makabuo ng nararapat na solusyon.
Ayon sa kanya,targeted approach ang kanilang gagawin upang mas mabilis na maipatupad ang mga hakbang para mawala na ang problema sa kagutuman sa bansa.
Ayon pa kay Nograles na target nilang mapababa ng 25 percent ang kagutuman sa bansa bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.
Umaasa siya na itutuloy ng susunod ng administrasyon ang kanilang nasimulan upang mawala na ang problema sa kagutuman sa bansa.