Mariing pinabulaanan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang alegasyong may kinalaman ang kanyang opisina sa umano’y 15% commitment mula sa P2.85 bilyong halaga ng proyekto na gagamit ng unprogrammed funds ng pambansang budget.
Ayon kay Bersamin, walang anumang papel ang Office of the Executive Secretary (OES) sa mga alokasyon ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa pahayag ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee, tinawagan umano siya ni Undersecretary Trygve Olaivar upang talakayin ang mga proyekto at humiling ng listahan na nagkakahalaga ng P2.85 bilyon.
Giit ni Bernardo, may kasunduan umanong 15% na ibinibigay kay Olaivar kapalit ng Special Allotment Release Order na inilabas para sa mga proyekto.
Iginiit naman ni Bersamin na hindi kailanman nakipagtransaksyon ang kanyang tanggapan kina Bernardo o Olaivar, at nanindigan siya sa kanyang malinis na record bilang matagal nang naglilingkod sa gobyerno.
Samantala, pansamantalang nag-leave si Olaivar matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa imbestigasyon hinggil sa umano’y ghost at substandard flood control projects.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, boluntaryo ang leave upang bigyang-daan ang due process at matiyak na walang magiging abala sa operasyon ng kagawaran.