Isinulong ni Makati Representative Luis Campos Jr., na maamyendahan ang National Internal Revenue Code (NIRC) para maidagdag sa mga exempted sa taxable income ang night shift differential pay.

Ito ay ang bayad sa pagtatrabaho ng mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-sais ng umaga na katumbas ng 10% ng hourly pay ng empleyado na sa kasalukuyan ay pinapatawan ng buwis lalo kung aabot sa P250,000 ang kabuuang sweldo sa isang taon.

Ang hirit ni Campos ay nakapaloob sa inihain nyang House Bill 10534 na layuning maibigay ng buo sa mga empleyado ang kanilang night shift differential pay na tiyak makakatulong sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Pangunahing makikinabang sa panukala ni Campos ang nasa 1.7 million na empleyado sa business process outsourcing (BPO) gayundin ang mga nagtatrabaho sa mga establisyimento na bukas 24 oras tulad ng ospital, convenient stores at fast food chains.