Pansamantalang sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources–Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) ang Exploration Permit ng Woggle Corporation na nag-o-operate sa Barangay Bitnong, Bayan ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Batay sa liham na nilagdaan ni DENR Assistant Secretary for Mining Concerns at concurrent MGB Director Michael Cabalda at ipinadala kay Woggle Corporation President Tommy Alfonso, binanggit ang patuloy na pagtutol ng komunidad sa mga aktibidad ng mining exploration.

Nagresulta ito sa pagtatayo ng mga barikada at harang sa mga kalsadang patungo sa lugar ng eksplorasyon, na nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko at sa kapayapaan at kaayusan.

Sa kabila ng mga interbensyon ng pamahalaan, nananatili ang mga naturang kundisyon.

Dahil dito, itinuring ng MGB ang sitwasyon bilang force majeure alinsunod sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995 at DENR Administrative Order No. 2010-21, na nagbigay-daan sa pansamantalang suspensyon ng permit.

-- ADVERTISEMENT --

Epektibo agad ang suspensyon at mananatili ito hanggang sa mawala ang mga kundisyong force majeure at maibalik ang ligtas at maayos na operasyon, ayon sa pagsusuri ng MGB.

Inatasan ang Woggle na ihinto ang lahat ng aktibidad sa eksplorasyon sa loob ng permit area habang umiiral ang suspension order.

Ipinadala rin ang kopya ng kautusan sa MGB Region 2.

Matatandaang nagkaroon ng komosyon sa lugar matapos ipatupad ang writ of preliminary injunction na inisyu ng korte bunsod ng mariing pagtutol ng mga residente sa pagpasok ng nasabing British mining company.

Kaugnay nito, sinabi ng Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan (ANVIK) na ang pansamantalang suspensyon ay hindi sapat at itinuturing lamang umanong hakbang upang pahupain ang galit ng mamamayan kasunod ng paglalantad ng umano’y korapsyon sa pag-apruba ng permit nang walang sapat na konsultasyon.

Giit ng grupo, ang tunay na panawagan ng taumbayan ay ang tuluyang kanselasyon ng permit ng Woggle at ng iba pang dayuhang minahan.