Inihahanda na ng Cagayan Valley Medical Center ang paglalagay ng express lane sa emergency room upang tugunan ang posibleng magiging biktima ng paputok hanggang sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CVMC Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao na ilulunsad o bubuksan ang naturang express lane na magiging prayoridad ang mga mabibiktima ng paputok simula sa December 21 ngayong taon at magtatagal hanggang January 6 ng susunod na taon.
Sinabi ni Baggao na sapat ang doctor mula sa surgery, orthopedic at ENT Department at mga nurses na aasiste sa mga pasyente sa express lane, maging ang sapat na gamot gaya ng antibiotics at anti-tetanus.
Bukod sa mga biktima ng paputok ay nakahanda rin ang pagamutan sa mga pasyenteng karaniwang isinusugod sa pagamutan dahil sa hypertension o heart attack, maging ang mga biktima ng disgrasya dahil sa pagmamaneho ng lasing.
Kasunod nito hinimok ni Baggao ang mga residente ng rehiyon na gumamit na lamang ng alternatibong pampaingay sa halip na paputok at iwasan din ang mga pagkaing nakakasama sa kalusugan lalo na ngayon at kaliwat kanan ang handaan.
Dahil naman sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas kontra sa iligal na paputok, umaasa si Baggao na konti ang magiging pasyente ngayong taon.