Isinasaalang-alang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkakaroon ng extradition treaty sa Portugal upang maisagawa ang pag-aresto sa dating mambabatas na si Zaldy Co, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa DILG, nagbigay na ng direktiba ang Pangulo na simulan ang pormal na aplikasyon para sa isang extradition treaty sa Portugal, kahit wala pang umiiral na kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.

Kasabay nito, inaasahang dadaan din sa International Criminal Police Organization (Interpol) ang kahilingan ng pamahalaan para sa repatriation ni Co kung mapatutunayang nasa Portugal nga siya.

Pinaniniwalaang nasa Portugal si Co sa gitna ng pagpapatupad ng mga warrant of arrest laban sa mga indibidwal na kinasuhan kaugnay ng kontrobersiya sa mga flood control project sa Oriental Mindoro.

Lumutang din ang impormasyon na si Co ay may hawak na Portuguese passport na nakuha umano ilang taon na ang nakalilipas.

-- ADVERTISEMENT --