Inilabas na ng Philippine National Police ang computerized facial composite sketches ng dalawa pang suspek sa pagpatay ng apat na car dealer noong May 20 sa bayan ng Amulung West, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ. Edgar Manuel, hepe ng Amulung PNP na ayon sa pagsasalarawan ng mga witness, tinatayang nasa 5’3 hangang 5’5 ang taas ng lalaking suspek, nasa 30 hanggang 35 ang edad, tinatayang nasa 60 hanggang 70 kilograms ang timbang, katamtaman ang pangangatawan at fair complexion.

Habang ang babaeng suspek ay tinatayang nasa 5’2 hanggang 5’4 ang taas, nasa 25 hanggang 30 ang edad, tinatayang nasa 45 hanggang 50 kilograms ang timbang, katamtaman ang pangangatawan at fair complexion.

Tangay ng dalawang suspek ang dalawang sasakyan na ibebenta sana ng mga biktima.

Sinabi ni Manuel na may nakakita sa babaeng suspek habang ito ay nagmamaneho ng isang white fortuner matapos ang krimen at palabas na siya ng Barangay Pacac Grande, Amulung West.

-- ADVERTISEMENT --

Bunsod nito, umapela si Manuel sa publiko na agad ipagbigay alam sa mga otoridad kung namumukhaan nila ang mga naturang suspek.

Matatandaan na bukod sa dalawa pang at-large na suspek, dalawang suspek ang nahuli ng pulisya noong gabi ng May 20 sa isang warehouse sa Pacac Grande na pagmamay-ari ni Amulung Municipal Councilor Joey Bargado.

Positibong itinuro ng mga saksi ang mga suspek na kinabibilangan ng konsehal at ang right hand nitong si Jojo Vergara na pumaslang kina Christian Kaibigan at Joel Bolado ng Lipa City, Batangas; Michael Eugene Romero ng Bagong Bantay, Quezon City; at Rommel Quinan na residente ng East Rembo, Makati City.

Narekober ang bangkay ng mga biktima sa loob ng nakaparadang Honda City car sa Villarey, Piat, Cagayan, bandang alas-4:45 ng umaga noong Mayo 20.

Base sa imbestigasyon, dumating sa bodega ni Bardago ang apat noong gabi ng Mayo 19 kung saan umano sila nag-inuman subalit makalipas lamang ang ilang oras ay natagpuan ng tadtad ng bala ang mga biktimang car dealer.

Ayon sa pulisya, nilinis daw mismo ng mga caretaker ng bodega ang dugong nagkalat sa pinangyarihan ng krimen base sa utos ni councilor Bargado.

Samantala, sinabi ni Manuel na nag-negatibo sa paraffin test ang dalawang nahuling suspek.

Isinagawa ang paraffin test sa dalawa upang malaman kung nagpaputok sila ng baril, sa pamamagitan ng gunpowder burns sa kanilang mga kamay.

Kampante naman ang pulisya na malulutas agad ang kaso dahil sa kooperasyong ibinibigay ng dalawang testigo na nauna nang isinailalim sa Witness Protection Program.

Amulung PNP Hotline 0936-440-2120