Huli ang isang lalaki matapos magpanggap na isang pulis para makalibre sa inutang na pera sa kanyang kapitbahay sa Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si alyas RC, 31-anyos, tubong Macabebe, Pampanga at dalawang linggo pa lamang na naninirahan sa Barangay Tuao, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Ayon kay PMaj Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, una umanong nangutang ng P6,000 ang suspek sa kanyang kapitbahay.

Hindi pa man nasisingil ang nasabing halaga ay umutang muli ito ng P4,000 subalit nang sisingilin na ay dito na umano siya nagpakilalang miyembro ng PNP Special Action Force o SAF at nagpakita pa ito ng ID.

Agad namang dumulog ang biktima sa pulisya kung saan nang magsagawa sila ng pagsisiyasat ay umanin din ang suspek na hindi siya tunay na pulis at ipinagawa ang pekeng ID sa Montalban.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nahaharap sa reklamong paglabag sa Usurpation of Authority ang suspek habang tinitignan na rin ang mga posibleng reklamo kaugnay naman sa kanyang inutang.