
Pumanaw na ang batikang aktor na si Pepito Rodriguez sa edad na 83 nitong Huwebes, ayon sa kumpirmasyon ng kanyang pamangkin na si Hope Marco Neri Yutuc sa isang Facebook post.
Pumanaw si Rodriguez dahil sa pneumonia habang naka-confine sa ospital.
Inilarawan ng kanyang pamangkin ang yumaong aktor bilang mahinahon, mapagkumbaba, at may malasakit sa kapwa.
Ibinahagi rin niya ang isang lumang video kasama si Pepito bilang pagpupugay sa kanyang pagmamahal sa mga tagahanga.
Si Pepito, ipinanganak bilang Jose Maria Rodriguez, ay isa sa mga kilalang bituin ng Sampaguita Pictures at kapatid ng yumaong aktor na si Ramil Rodriguez.
Kabilang sa kanyang mga pelikula ang Mga Batang Bakasyonista, Gintong Alaala, at Sa Bilis Walang Kaparis.
Noong 2024, tinanggap niya ang Iconic Movie Actor of Philippine Cinema award sa FAMAS Awards kasama sina Coco Martin, Robin Padilla, Bong Revilla, at iba pang kilalang aktor.




