Target ng Food and Agriculture Organizations of the United Nations (FAO-UN) na matulungan ang nasa 1500 na samahan ng mga magsasaka mula sa limang rehiyon sa buong bansa.
Ayon kay Efren Reyes, Jr., tagapagsalita ng Special Area for Agricultural Development ng Department of Agriculture- Region 2, kasalukuyan nang tinutukoy ng FAO-UN ang mga Farmers Cooperatives Associations na mapapabilang sa Adopting Philippine Agriculture to Climate Change (APA) program.
Ang naturang programa na layong tugunan ang epekto ng climate change ay popondohan sa ilalim ng Green Climate Fund.
Umaasa naman si Reyes na mapapabilang ang apat na samahan ng mga magsasaka sa bayan ng Sta Praxedes at Rizal, Cagayan na binisita ng naturang grupo.
Ang grupo ng mga magsasaka na ito ay kinabibilangan ng Gunglo Dagiti Mannalon ti Portugal (GUMAPO) Farmers Association sa Brgy. Portabaga; Cabaleng San Isidro Farmers Agriculture Cooperative (CASIFA Coop) sa Brgy. Capacuan sa bayan Sta. Praxedes; Masi Corn Development Farmers Association (MCDFA) sa Brgy. Masi at Malaueg Food Producers and Farmers Association (MFPFA) Brgy. Anungu sa bayan ng Rizal.
Inihayag ni Reyes na ang mga nasabing grupo ng mga magsasaka na mula sa 5th and 6th class municipalities ay tinutulungan ng Department of Agriculture sa ilalim ng SAAD o Special Area for Agricultural Development program na maiangat ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng ibat ibang agricultural interventions gaya ng mga livelihood assistance, trainings at machineries.
Tiniyak naman niya na hindi masasayang ang pondo na inilalaan ng pamahalaan sa naturang programa dahil mahigpit na minomonitor ng DA ang implementasyon ng naturang programa para matiyak na maabot ang layunin nito na mapaganda ang pamumuhay ng mga benepisyaryong magsasaka.
Sa katunayan aniya ay positibo ang feedback ni SAAD National Director Ulysses Lustria Jr nang binisita ang mga nasabing Samahan ng mga magsasaka na sakop ng kanilang programa.
Target namang maisali sa programa ang 16 Farmers Cooperatives Associations sa lalawigan ng Cagayan at 20 FCA sa Isabela.