Gumagamit na ng mga makabagong pamamaraan at makinarya sa pagtatanim ng palay ang mga magsasaka sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan.
Kabilang sa mga ginagamit na makinarya ang “walk behind transplanter.”
Sa tulong ng makinaryang ito, nakapagtatanim ang mga magsasaka ng mga rice seed nang pantay-pantay at nababawasan ang kanilang pagkapagod dahil sa simpleng pagtutulak o pagmamaneho lamang ng makina.
Ayon kay Provincial Agriculturist Pearlita Mabasa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, mahalaga para sa mga magsasakang Cagayano na sumabay sa makabagong pamamaraan ng pagtatanim sa makabagong panahon.
Aniya, kahit na isinusulong ang makabagong pamamaraan, marami pa rin sa mga magsasaka ang gumagamit ng tradisyunal na paraan ng pagsasaka ng palay.
Samantala, ang 25 magsasaka na kasalukuyang nasa farm school ay mga miyembro ng Sto. Domingo Multi-Purpose Cooperatives ng Baggao.
Sila ay sumasailalim sa pag-aaral ng Farmers Field School (FFS) ng Grains Production NC II sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority .
Kabilang sa kanilang pinag-aaralan sa farm school ang preparasyon ng sakahan, pagtatanim, at pag-aani ng palay gamit ang makabagong pamamaraan at makinarya.