Binuksan na ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC ang kanilang Firecracker Injury Fast Lane kasabay ng pagsisimula ng firecracker related injury surveillance ng Department of Health kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Stanley Agor, head ng Emergency Department ng CVMC na laon nitong magkaroon ng mabilis at komprehensibong pagtugon sa mga biktima ng paputok at iba pang holiday related injuries lalo na ngayong niluwagan ang mga retrictions.
Kakaiba ngayong taon ang pagtatalaga ng fast lane dahil kailangan pa rin na sundin ang mga protocols laban sa COVID-19.
Ipinaliwanag niDr. Agor na kailangan pa rin dumaan sa rapid antigen test ang mga natatanggap na pasyente na tinamaan o nasugatan dahil sa paputok bilang pag-iingat sa virus dahil hindi pa rin tuluyang nawawala ang pandemya
Dahil dito, kailangan pa ring dumaan sa triaging ang mga pasyente.
Ayon kay Agor na ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang lunas ay agad na dadalhin sa minor operation room kung saan isasagawa ang anti-gen testing.
Kung nag-negatibo aniya ang resulta ay itutuloy ang gamutan sa minor-operation room subalit kung nagpositibo ang pasyente ay ire-refer sa emergency room isolation para sa kaukulang disposisyon.
Dagdag pa ni Agor na para sa mga pasyente na hindi nangangailangan ng agarang lunas ay gagawin ang gamutan sa holding area fastlane subalit dadaan muna ito sa antigen-test at kung nagpositibo ay dadalhin sa isolation area ng emergency room kung saan itutuloy ang gamutan.
Kasabay nito ay pinayuhan ang publiko na hugasan ng malinis na tubig at sabon ang sugat, maliit man o malaki at pagkatapos ay dalhin sa pagamutan para sa gamutan upang hindi maimpeksiyon o matetanus.
Iginiit ni Agor na huwag ipagwalang bahala ang mga sugat na dulot ng paputok kahit na galos lamang ito dahil punung-puno ng kimikal ang mga paputok na maaaring magdulot ng tetanus.
Batay sa datos ng CVMC, kamay at mukha ang mga kadalasang nasusugatan sa mga naging pasyente nila bunsod ng paputok.
Binigyang diin naman ni Dr. Cherry Lou Antonio, Chief Medical Professional Staff ng CVMC na target ng pagamutan ang zero casualty ngayong kapaskuhan at pagsalubong ng Bagong Taon kung kayat maigting din ang kanilang kampanya laban sa paggamit ng mga malalakas na uri ng paputok.
Sinabi ni Dr. Antonio na nakaalerto ang CVMC kung saan naka-standby ang ibat ibang departamento ng pagamutan para sa mga pangangailangan ng mga pasyente gaya ng social service department, blood bank para sa mga pasyente na dapat masalinan ng dugo at iba pang yunit ng ospital para matiyak ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga pasyente.
Aniya nakikibahagi ang CVMC sa iwas paputok campaign ng kagawaran ng kalusugan para makamit ang adhikain na ligtas, masaya at malusog na yuletide season.
Napag-alaman na nitong nakalipas na pagsalubong ng Bagong Taon ay nakapagtala ang CVMC ng tatlong fire cracker related injuries na dinala sa ospital kung saan umaasa ang ospital na mapanatili ang mababang bilang ng biktima ng paputok kahit maluwag na ang restrictions laban sa covid 19.
Ang naturang paglulunsad ng fast lane ay dinaluhan ng mga Department Heads ng pagamutan.