Maaaring faulty electrical wiring ang sanhi ng pagliyab ng sunog sa isang kotse at pagkadamay ng apat na nakaparadang motorsiklo sa harapan ng isang mall sa Tuguegarao City, kahapon.

Ayon kay FO3 Jayvee Turingan, fire arson investigator ng BFP- Tuguegarao, biglang tumigil ang makina ng sasakyan habang minamaheho ni Gimena Tamayao Soriano nang pauwi na ito sa kanilang bahay sa Brgy Ugac sur mula sa kaniyang trabaho sa Cagayan Valley Medical Center.

Dali-daling namang bumaba si Soriano nang makita niya ang makapal na usok mula sa makina ng sasakyan hanggang sumiklab ang apoy.

Agad namang nakaresponde ang mga bombero sa pinangyarihan ng insidente sa national highway sa Brgy Ugac Sur kayahindi nasunog ang buong sasakyan ngunit apat na motorsiklo na nakaparada sa gilid ng daan ang partially burned matapos madamay.

Tinataya namang nasa P150,000 ang halaga ng pinsala habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog.

-- ADVERTISEMENT --

Kuwento ng may-ari ng sasakyan sa imbestigador ng BFP na inayos nito ang clip ng hose ng fuel ng sasakyan bago naganap ang insidente kayat posibleng faulty electrical wiring ang dahilan ng pinagmulan ng sunog.

Nabatid na ito na ang ikalawang vehicle fire incident sa lungsod ng Tuguegarao simula nitong buwan ng Enero 2025.

Dahil dito, pinayuhan ni Turingan ang mga may-ari ng sasakyan lalo na kung may kalumaan na ito na regular na ipasuri ito sa kumpanya kung saan kinuha para matiyak na nasa maayos na kondisyon ng mga electrical wirings.