Muling nag-post ang FBI sa social media ng “Most Wanted” notice para manawagan ng tulong sa publiko sa paghanap kay Apollo Quiboloy, at sa umano’y dalawa nitong church lieutenants.

Ito ay sa gitna ng kinahaharap nilang human trafficking charges sa US.

Sa Facebook post ngayong linggo, ipinaaalam ng FBI Dallas ang apat na taong nasa “Most Wanted” list ng tanggapan.

Kabilang dito ang televangelist, at sina Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag.

Ang panawagang ito ay sa gitna ng hinihintay na pormal na request ng gobyerno mula sa US para isuko na si Quiboloy.

-- ADVERTISEMENT --

Mababatid na kinasuhan si Quiboloy sa California noong 2021 dahil sa sex trafficking sa mga menor de edad, panloloko, at bulk cash smuggling.

Si Quiboloy ay kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail kung saan, makailang beses itong isinugod sa ospital dahil sa pneumonia.

Kahapon, January 15, humarap si Quiboloy sa pagdinig sa kaniyang kaso sa Pasig Regional Trial Court (RTC).

Dito ay naka-face-to-face niya ang umaresto sa kaniyang si dating PNP chief at ngayo’y MMDA GM Nicoals Torre III.