
Tiniyak ng Food and Drug Administration (FDA) sa publiko na sinisiyasat na nito ang boluntaryong pag-recall ng Nestlé Philippines sa ilang batch ng dalawang brand ng infant formula products nito.
Kasunod ito ng anunsiyo ng Nestlé na kanilang ni-recall ang ilang batch ng infant formula na NAN OPTIPRO at NANKID OPTIPRO dahil sa posibleng isyu sa kalidad ng isang sangkap na ibinibigay ng kanilang supplier.
Nakikipag-ugnayan na umano ang FDA sa Nestlé para matukoy ang mga apektadong batch ng infant formula products at agarang ipatanggal ang mga ito sa merkado gayundin sa online retail outlets.
Pero, pinaalalahanan nito ang publiko na mag-ingat para sa kaligtasan ng kanilang kalusugan, partikular ng mga sanggol at bata.
Tiniyak pa ng ahensiya na isasapubliko nila ang magiging resulta ng imbestigasyon para sa transparency at proteksiyon ng mga konsyumer.






