Inilunsad ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang “upgraded” virtual verification portal na magbibigay-daan sa publiko na masiguro kung may wastong lisensya ang mga gamot at iba pang produkto sa bansa.

Ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) nitong Sabado, saklaw ng portal ang malawak na hanay ng mga produkto, kabilang ang pagkain, gamot, cosmetics, gayundin ang mga establisimiyento na nagbebenta ng lisensyadong produkto.

Sinabi ni FDA spokesperson Khay Ann Magundayao-Borlado na sa pamamagitan nito ay mas madali nang matukoy kung ligtas at epektibo ang produktong binibili dahil alam natin na ito ay dumaan sa tamang pagsusuri.

Maaaring i-access ng publiko ang portal sa verification.fda.gov.ph at maghanap gamit ang pangalan ng produkto o ng establisimiyento.

Samantala, nagbabala ang DOH laban sa pagdami ng pekeng gamot na binebenta sa social media.

-- ADVERTISEMENT --

Ani Health Secretary Teodoro Herbosa, makakatulong ang pinahusay na portal sa pagsugpo sa pagkalat ng kontrabandong gamot.

Ayon tala ng FDA, may humigit-kumulang 3,000 administrative cases na kasalukuyang isinasampa laban sa mga lumalabag sa RA 9711 (FDA Act of 2009) at RA 3720 (Food, Drug, and Cosmetic Act).

Wala pa umanong naaresto sa ngayon, dahil kadalasan ay mga multa lamang ang ipinatutupad ng korte.