Ikinatuwa ng Samahan ng mga Senior Citizen sa lambak ng Cagayan ang panukalang batas laban sa mag-aabandona sa kanilang mga magulang.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Romeo Allam, regional president ng Federation of Senior Citizen sa Region 2 na maganda ang layunin ng batas lalo na sa panahon ng paghina ng mga magulang dahil sa katandaan at sakit.
Ayon kay Allam, responsibilidad ng mga anak na alagaan ang kanilang mga magulang lalo na sa kanilang pagtanda, kapalit ng kanilang pagsasakripisyo sa pagpapalaki sa mga anak.
Sa ilalim ng panukala ni Sen. Panfilo Lacson na Senate Bill No. 29 o ang “Parents Welfare Act of 2019” inoobliga ang mga anak na suportahan ang kanilang may edad na, maysakit at hindi na kayang magtrabahong magulang.
Ang magulang na nangangailangan ng suporta ay maaring maghain ng petition for support sa korte at hilinging sila ay masuportahan ng kanilang anak.
Ang mga anak na mag-aabandona sa magulang ay parurusahan ng hanggang 10 taon na pagkakakulong at multa na hindi bababa sa P300,000.