Bigo ang tatlong female gymnasts ng Pilipinas na sina Aleah Finnegan, Emma Malabuyo, at Levi Jung-Ruivivarna makapasok sa Top 24 ng artistics gymnastics sa Paris Olympics.
Tanging ang top 24 sa all-around at top eight sa bawat aparratus, na may maximum na dalawang gymnasts bawat bansa ang nakapasok sa medal round.
Sa kabila ng kanilang elimination, gumawa naman ang tatlo ng kasaysayan para sa ating bansa.
Naghintay ang bansa ng 60 taon para may muling magkaroon ng kinatawan ang bansa na babaeng gymnast sa Olympics.
Ang huling kinatawan ng bansa sa nasabing laro ay sina Maria-Luisa Floro at Evelyn Magluyan noong 1964 Tokyo Games.
Nakuha ni Finnegan ang slot sa Olympics sa pamamagitan ng World Artistic Gymnastics Championships nitong nakalipas na taon, habang sina
Jung-Ruivivar at Malabuyo ay matapos ang kanilang tagumpay sa FIG Artistic Gymnastics World Cup Series at Asian Women’s Artistic Gymnastics Championships ngayong taon.
Dahil sa patatapos ng kanilang laro, nasa balikat na ni Carlos Yulo ang pag-asa para makakuha ng gold medal ang Pilipinas, matapos siyang makapasok sa men’s all-around, floor exercise, at vault finals.
Muling maglalaro si Yulo sa all-around sa Miyerkules, July 31, at August 3 at 4 naman sa floor exercise at vault, batay sa pagkakasunod.