Nagbabala ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) Region 2 sa mga magsasaka sa lambak ng Cagayan kaugnay sa pagpasok ng mga hindi rehistradong pestesidyo at mga pataba.

Batay sa monitoring ng ahensya, maraming mga pedlers ang direktang nagbebenta ng mga hindi otorisadong mga produkto sa mga magsasaka sa lambak ng Cagayan.

Ang mga ito umano ay pawang mga smuggled products na ipinuslit lamang mula sa iba’t ibang mga bansa.

Kabilang sa paraan ng mga pedlers upang magbenta ay dumadayo sila iba’t ibang mga bayan upang mag-alok ng kanilang produkto habang may ilan pa umanong direkta ng umaakyat sa mga sakahan upang kausapin mismo ang mga magsasaka.

Babala ng Fertilizer and Pesticide Authority, maliban sa hindi rehistrado at hindi dumaan sa tamang proceso ang mga smuggled na pestesidyo at abono ay maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan ng gagamit nito.

-- ADVERTISEMENT --

Mataas din ang panganib na dulot ng mga kemikal sa mga pananim na makasama sa kalusugan ng taong kakain nito.

Payo ng ahensya na dapat maging mapanuri at bumili sa mga lehitimong bilihan upang maiwasang mabiktima.

Ilan sa mga kailangang ikunsidera sa pagbili ng mga produktong pang-agrikultura ay dapat naiintindihan ang mga sulat o label na nakasaad sa bawat produkto, walang maayos na direksyon sa paggamit at hindi rehistrado ng FPA.

Hinihikayat naman ng ahensya ang publiko na ipagbigay-alam sa kanilang numerong 0956-981-0815 o sa cagayanvalley.fpa@gmail.com kung may napapansin na kahinahinalang nagbebenta ng mga iligal na produkto sa kanilang mga lugar.