Umalis na ng bansa ang Filipino-American na si Chantal Anicoche matapos maglabas ng Order to Leave ang Bureau of Immigration, ayon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Natagpuan si Anicoche malapit sa lugar ng engkuwentro noong Enero 1 sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at New People’s Army (NPA) sa Occidental Mindoro, kung saan isang estudyante ang nasawi at isa pa ang nawawala.

Ayon sa NTF-ELCAC, siya ay nabigyan ng atensyong medikal at dumaan sa legal na proseso. Sinabi ng task force na inamin ni Anicoche ang intensyong makipag-ugnayan sa NPA at ang kanyang presensya sa isang kampo ng rebelde sa oras ng engkuwentro.

Iginiit ng NTF-ELCAC na ang Order to Leave ay isang hakbang sa ilalim ng batas sa imigrasyon at hindi isang pampulitikang desisyon.

Sa kanyang pag-alis, sinabi ng ahensya na ang anumang susunod na aksyon ay saklaw na ng kanyang bansang pinagmulan.

-- ADVERTISEMENT --