Inaresto ang Filipino QAnon-inspired cult leader Romana Didulo, na itinuturing ang kanyang sarili na “Queen of Canada,” kasama ang 16 na iba pa kasunod ng pagsalakay ng mga awtoridad sa kanilang compound sa Richmond, Saskatchewan.

Sinalakay ng Royal Canadian Mounted Police (RCMP) officers ang inabandonang school campsite noong Miyerkules matapos na makatanggap ng reklamo na may tao sa lugar na may armas.

May nakuha ang mga awtoridad na 13 replica semi-automatic handguns at mga bala sa isinagawang paghalughog sa compound.

Si Didulo, isang QAnon-inspired conspiracy theorist, at kanyang followers ay lumipat sa nasabing school campsite sa Richmond matapos na sila ay paalisin sa Kamsack, isang bayan na may residente na 1,800 noong September 13, 2023.

Nagpatayo ang cult leader at kanyang followers ng “Kingdom of Canada” sa abandonadong eskwelahan na pagmamay-ari ni Ricky Manz, isa sa mga supporters ni Didulo.

-- ADVERTISEMENT --

Dito ginagawa ang kanilang mga operasyon.

Si Didulo ay bahagi ng COVID-19 “freedom convoy” protests laban sa public health policies noong 2022, at bumiyahe sa Ottawa at idineklara ang kanyang sarili na “Queen of Canada.”

Nag-migrate si Didulo, 48-anyos mula sa Pilipinas papuntang Canada noong siya ay teenager pa lamang.

Kalaunan ay nagtatag siya ng Qanon-endorsed political party noong 2020, kung saan nagkaroon siya ng followers.

Sinabi niya na napatalsik niya ang pamahalaan ng Canada at ang kanyang titulo na “Queen of Canada” ay suportado ng sikretong US military interests.

Naglabas siya ng “decrees” na hindi na magbabayad ng kanilang bills at pagkakautang ang kanyang mga followers, na sa kalaunan ay nawalan sila ng tahanan, utility services at mga sasakyan.

Nagpapakalat ang kulto ng anti-vaccination conspiracies, at ang Qanon theory na si US President Donald Trump ay nagsasagawa ng secret war laban sa elite Satan-worshipping pedophiles sa pamahalaan, sa mga negosyo at sa media.