Nagwagi ang 28-year-old Philippine representative na si Kirk Bondad sa Mister International 2025 na ginanap sa MCC Hall, Nonthaburi, Thailand kagabi.
Siya ay Filipino model at fitness trainer.
Ang tagumpay ni Kirk sa 17th edition ng Mister International ang kapalit ng kanyang pagkabigo nang maging kinatawan siya ng ating bansa sa Mister World noong 2024.
Hindi siya pinalad manalo o magkaroon ng anumang puwesto noon.
First runner-up sa Mister International 2025 ang kinatawan ng Lebanon na si Saadedine Hneinehn, na tumanggap din ng Best in Swimwear special award.
Second runner-up ang crowd favorite na si Seung Hoi Choi ng South Korea.
Third runner-up si Mister Nigeria Bethel Mbamara.
Si Kirk ang pinakahuling tinawag sa Top 20 candidates kaya kinabahan ang kanyang mga tagasuporta.
Sina Miss Universe Philippines 2025 Ahtisa Manalo, Mister International 2023 Kim Goodburn, at Anusith Sangnimnuan ang mga host ng Mister International 2025.