Patay ang isang Filipino sailor sa ginawang pag-atake ng Huthi rebels ng Yemen sa bulk cargo carrier nitong nakalipas na linggo, ayon sa White House.

Kasabay nito, kinondena ng White House ang nasabing pag-atake na itinuring nitong terorismo.

Naglunsad ang Huthis ng maraming drone at missile strikes sa mga mahahalagang shipping zones ng Red Sea at Gulf of Aden buhat nitong buwan ng Nobyembre na paghihiganti umano sa giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.

Subalit, sinabi ni National Security Council spokesman John Kirby na ang namatay na Filipino seaman ay lulan ng M/V Tutor, isang Liberian-flagged ship na pagmamay-ari ng Greece na walang kinalaman sa giyera sa Gaza.

Pinasok ng maraming tubig ang nasabing barko at inabandona matapos na tamaan ng sea drone mula sa Hodeida na kontrolado ng mga rebelde noong araw ng Miyerkules.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Kirby na nasugatan din sa hiwalay na pag-atake ng Huthi ang Sri Lankan crew member noong Huwebes na lulan ng M/V Verbena, na pinapatakbo ng Poland.

Binigyan diin ni Kirby na walang kabuluhan ang pahayag ng Huthi rebels na sinusuportahan nila ang Gazans sa kanilang ginagawang pang-aatake.