
Isinumite at inilunsad ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa Kongreso ang kanilang final report na pinamagatang “Turning Point: A Decade of Necessary Reforms” kasama ang 10-taong national education at workforce development plan.
Ayon kay EDCOM II Co-Chair Rep. Roman Romulo, isa sa mga pangunahing problema sa edukasyon ay ang kakulangan ng sustained national focus, at ang lumalalang kultura ng “mass promotion,” kung saan pinapayagang umusad ang mga estudyante kahit hindi pa nila natutunan ang kinakailangang competency.
Binanggit din niya ang mismatch sa pagtatalaga ng mga guro, kung saan 62% ng high school teachers ay nagtuturo ng asignatura na hindi nila espesyalisado, na nagdudulot ng hindi patas na pasanin sa guro at kompromiso sa kalidad ng edukasyon.
Binigyang-diin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang papel ng Kongreso sa pagsasakatuparan ng mga rekomendasyon, kasama na ang masusing oversight at matalinong paggastos ng pondo para sa edukasyon.
Ayon kay Dy, patunay ng prayoridad ng gobyerno sa edukasyon ang P1.34 trilyong nakalaan sa 2026 budget, higit sa 4% ng GDP.
Kabilang sa pangunahing reporma ang pagpapalakas ng access sa quality early childhood education, pagtigil sa mass promotion, at implementasyon ng ARAL program upang matiyak na ang bawat bata ay marunong magbasa bago matapos ang Grade 3.










